Sa kabila ng ilang siglo na paulit-ulit na pagpapakita ng Banal na Ina ay iilan lamang ang tumutugon. Kahit pa siya ay lumuha sa La Salette at magbigay ng dakilang himala ng araw sa Fatima upang masaksihan ng lahat tila hindi ito sapat upang ang mga mananampalataya ay tumugon sa kanyang mga panawagan. Sa Lourdes, France ay nagkaloob siya ng mahimalang tubig mula sa bukal upang bigyan pag-asa at kagalingan ang mga may sakit. Sa Fatima ay nagpakilala siya bilang Birhen ng Santo Rosaryo at ito ay kinilala ng Simbahang Katoliko. Subalit sa kabila ng pagkilala ay may pagsuway. Sapagkat sa La Salette, Fatima at Akita ang mga mahahalagang mensahe ng Mahal na Birhen ay hindi sinunod. Kasama ng pagsuway ay ang pagtago ng mga liham ng La Sallete at Fatima. Liham na nagtataglay ng napakahalagang mensahe na nais ng Birhen na maihayag upang makapaghanda ang lahat.
Bakit hindi natin pakikinggan ang ating Ina sa kanyang mensahe gayong ito ay para sa ating kaligtasan? Bakit tayo mag-iisip na sapat na ang tapat nating pagdarasal at payak na pananampalataya sa paganap bilang Katoliko? Hindi ba marapat lamang bigyan natin halaga ang kanyang mga mensahe sa tuwinang pagdatal niya sa lupa?
Alamanin natin mula sa anim na aparisyong ito ano nga bang mga propesiya at mensahe ang nais iparating ng Birhen Maria sa mga nagdaang siglo. Ano ba ang paparating na kaparusahan at kapalaran ng bawat mananampalataya at bakit kinailangan magpakita ng Mahal na Ina.
Noong Pebrero 2, 1594, Nagpakita ang Mahal na Birheng Maria kay Ven. Mariana Francisca de Jesús Torres sa Monasteryo ng mga Conceptionist sa Quito, Ecuador. Ito ay nagpakilala bilang “Our Lady of Good Success, the Queen of Heaven and Earth”. Humiling din siya na magpatayo ng kanyang ng imahe na nagkaroon din ng himala, kung saan ang iskulptor ay umalis upang bumili ng magandang pintura at pagkabalik nito ay nakita niya ang imahe ay tapos na at napakaganda nito. Ayon kay Ven. Mariana, ito daw ay tinapos ng tatlong Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel at San Raphael kasama si San Francisco ng Assisi.
Ang Mahal na Birhen ay nagbigay din ng mga mensahe o propesiya na patungkol sa hinaharap.
Bago maganap ang aparisyon, ay ipinakita kay Ven. Mariana ang eksena ng pagkapako ng Panginoong Hesukristo sa Krus. Dito ay nakarinig siya ng boses na nagsasabi:
“Ang parusang ito ay para sa ikadalawampu siglo”.
Sa ibabaw ng Panginoon ay may tatlong espada, at sa bawat espada ay may nakasulat:
“Parurusahan ko ang maling pananampalatay”
“Parurusahan ko ang kalapastanganan”
“Parurusahan ko ang karumihan.”
Maraming naganap sa ika dalawampu siglo, tulad ng pag usbong ng komunismo, modernismo at ang Ikalawang Konseho ng Vatican kung saan ito ay maraming pagkakamali na nakaimpluwensya sa mga bagong henerasyon.
Ang espiritu ng karumihan ay lalaganap at halos walang mga birhen sa mundo. Ito ay nangyayari na ngayon kung saan ay karamihan sa mga tao ay pumapasok na sa premarital sex
mas lalo na sa mga kabataan.
Ang mga mason ay papasok sa lahat ng antas ng lipunan at lalasunin ang pag-iisip ng mga kabataan kung saan aatakihin nito ang kanilang pagkainosente na magbibigay daan sa pagkawala ng bokasyon ng pagpapari. Ito ay unting unti na nagaganap dahil kaunti na lang ang mga lalakeng gusto mag pari pagkatapos ng Vatican II.
Ang Diyablo ay gagawin ang lahat para sirain ang mga Sakramento sa pamagitan ng mga Freemasons.
Marami iba pang propesiya ang Mahal na Ina sa Quito tulad ng isang Banal na Presidente na mag kokonsegra sa Quito sa Sagradong Puso ni Hesus at mamataya ng martir. Ito ay si Gabriel Garcia Moreno, isang relihiyosong Katoliko na naging Presidente ng Quito. Siya ay pinapatay ng mga Freemasons. At ang pag usig at pagkulong sa Vatican ni Pope Pius IX.
Noong Hulyo 18, 1830, sa bisperas ng kapistahan ni St. Vincent De Paul, Habang natutulog si St. Catherine Laboure ay nagising siya ng marinig niya ang tinig ng isang bata na tila tinatawag siya sa kapilya. Pagkarating niya sa kapilya, nakita niya dito ang Mahal na Birheng Maria at sinabi sa kanya na siya ay bibigyan ng isang misyon. Sa ikatlong pagpapakita ng Mahal na Ina, pinakita niya kay St. Catherine ang isang bisyon kung saan ay inutusan niya ang santa na magpagawa ng isang medalyon na ayon sa kanyang nakita. Siya din ay binigyan ng mga mensahe at propesiya tungkol sa hinaharap.
Magkakaroon ulit ng isang gulo sa Pransya kung saan ang mga biktima ay ang mga pari at mamatay ang arsobispo nito. Ito daw ay mangyayari pagkalipas ng apatnapu’t taon. Ang tinutukoy dito ay ang Franco-Prussian War.
Ang kasamaan ay nasa panahong ito, at ang mga kasawian ay malapit nang manaig sa France. Ang trono ay mawawasak at ang buong mundo ay manginginig sa lahat ng uri ng kalamidad. Ang pagkawasak ng Trono ay tungkol sa Huling hari ng Pransya na si King Louis XVI na pinakulong at binitay sa Panahon ng French Revolution kung saan ang mga Mason ang isa sa mga pasimuno nito.
Ibinunyag ng Panginoong Hesukristo kay Maria Julie Jahenny na marami pang rebelasyon ang ibinigay kay St. Catherine Laboure tungkol sa mga babala tulad ng tatlong araw ng kadiliman. Ang propesiya na ito ay itinago ng isang Madre ng St. Pierre of Tours at makikita lamang ng isang taong maka Diyos sa isang monasteryo.
Noong Septyembre 19, 1846, habang nag-aalaga at nagbabantay ng mga tupa si Melanie Calvat at Maximin Giraud, nakakita sila ng isang liwanag mas malinawag pa sa araw. Nang ito ay kanilang nilapitan, nakita nila ang isang magandang babae na nakaupo sa isang bato at umiiyak. Sinabi nito sa dalawang bata na lumapit sa kanya at may sasabihin na pinakamahalaga. Sinaad niya na kung hindi susunod sa kanya ang mga tao ay mapipilitan siya pakawalan ang braso ng kanyang Anak, ang Panginoong Hesukristo. Ang paghawak sa braso ay ang pagpigil ng Mahal na Birhen sa pagpataw ng mabigat na kaparusahan sa atin. Nagbigay pa ng mga karagdagan mensahe ang Mahal na Ina. Ang pangyayaring ito ay kanilang ibinahagi sa kanilang amo, sa isang Pari at sa kanilang Mayor.
Nagbigay din ng mensahe at propesiya ang Mahal na ina sa dalawang bata.
Dahil sa hindi pagsimba, pagtatrabaho ng mga tao sa araw ng Linggo at paglapastangan ng pangalan ng Diyos, ay paparusahan ang mga tao ng matinding tag-gutom. Walang nakatala na ang kaparusahan na ito ay nangyari na kahit sa La Salette.
Ang korapsyon ng karamihan sa mga Kaparian ang magdadala sa simbahan ng matinding pag- uusig. Ito ay mangyayari sa panahon ng kadiliman. Ito ay kasalukuyang nagaganap sa ibang mga kaparian.
Paparusahan ang Pransya dahil sinira nito ang sansinukob at ang Italya dahil nais nitong yugyugin ang pamatok ng Panginoon, ito ay sa pamamagitan ng digmaan.
Sa liham ni Melanie, nabanggit ng Mahal na Ina ang tungkol sa isang Dakilang Hari. Ngunit ang detalye ay itinago sa Archives ng Vatican Library. Matapos ang isang daang taon ng aparisyon sa La Salette. Ito ay aksidenteng natuklasan ng isang Paring Pranses na si Abbot Cotteville noong Oktubre 1999. Inatasan ng Mahal na Birheng Maria kay Maximin na ibunyag sa Konde ng Chambord na buhay ang kanyang pinsan na si Louis XVII, ang anak ni haring Louis XVI at Mari-Antoinette.
Magkakaroon ng digmaan sa Europa hanggang sa ito ay magiging pangkalahatan. Ang Paris ay masusunog at ang Marseille naman ay lulubog. Pagkatapos ay magkakaroon ng kapayapaan kung saan ang mga tao ay magbabalik at magkakaroon ng takot sa Diyos. At ang mga bagong hari ay magiging kanang kamay ng Simbahan. Ngunit ang kapayapaan na ito ay pansamantala lamang.
Binahagi din ng Mahal na Ina ang tungkol sa pagdating at paghahari ng Antikristo. At ang pagdating ng dalawang Patriarka na si Enoch at Eli.
Darating ang malaking kaparusahan dahil ang mga tao ay hindi nagbabago. Kung tayo ay magbabago, maiiwasan ang kaparusahan.
Magkakaroon ng “Two worm-ridden Popes”. Ang mga salita na ito ay pinabura ng isang awtoridad sa Vatican at ito ay ibinunyag ng isang Jesuit Exorcist.
Noong 1916, nagpakita ang isang Anghel ng tatlong beses sa tatlong bata na sina Ven. Lucia Dos Santos, St. Francisco at St. Jacinta Marto. Sila ay sinabihan na magdasal at binigyan din sila ng banal na komunyon. Ito ay paghahanda sa pagpapakita sa kanila ng Mahal na Birheng Maria.
At Noong May 13, 1917, ay nagpakita sa kanila ang Mahal na Birheng Maria at humiling na dalawin siya sa lugar na ito tuwing ikalabing tatlong araw ng buwan. Anim na beses ito nagpakita at nagbigay din ng mga mensahe. Naganap din dito ang Milagro ng Araw na marami ang nakasaksi.
Ang Mahal na Birheng Maria ay nagbigay ng tatlong sikreto sa tatlong bata na kalaunan ay kanilang ibinunyag.
Ipinakita sa tatlong bata ang itsura ng impyerno. Upang mailigtas ang mga kawawang kaluluwa, nais ng Diyos na itatag sa mundo ang debosyon ng kanyang kalinis-linisang puso.
Sinabi ng Mahal na Ina sa mga batana matatapos ang digmaan na nagaganap noong panahon na iyon. (World War I)
Ngunit kung ang tao ay patuloy sa pagkakasala sa Diyos, isang masahol na digmaan ang mangyayari sa panahon ng pontipika ni Pope Pius XI (sa panahong ito, si Pope Benedict XV ang kasalukuyang Santo Papa). At naganap nga ang World War II sa panahon ni Pope Pius XI.
Hiniling din niya na ikonsegra ang Russia sa kanyang kalinis linisang puso kasama ang lahat mga Obispo sa mundo. Kung ito ay natupad, ang Russia ay magbabago at magkakaroon ng kapayapaan. Kung hindi, kakalat ang pagkakamali nito sa buong mundo.
Dahil hindi nakonsegra ang Russia ayon sa utos ng Mahal na Ina, kumalat na sa buong mundo ang pagkakamali ng Russia tulad ng komunismo, marxism, materyalismo, pagpapalaganap, moral na kasamaan, radikal na feminismo, pagkasira ng pamilya, at pagtanggi sa papasiya.
Ang ikatlong sikreto ay ibuniyag ni Cardinal Sodano noong May 13, 2000. Ito tungkol sa isang Obispo na naka puti. Ito ay babarilin at papanain kasama ng iba pang obispo, pari at mga relihiyoso. Ito daw ay propesiya sa tangkang pagpatay kay Pope John Paul II.
Ngunit ang ikatlong sikreto na ibinunyag ni Cardinal Sodano ay isang huwad. Isa sa mga nagsabi na huwad ito ay si Father Gabriele Amorth, ang exorcist ng Roma. Ang tunay ikatlong sikreto ay aking babanggitin mamaya.
Ang totoong ikatlong sikreto ay ibinunyag ng Mahal na Birheng Maria kay Sister Agnes Sasagawa sa Akita, Japan.
Bago ang aparisyon ng Mahal na Birheng Maria, ay nagpakita sa apat na bata na sina Conchita, Jacinta, Mari Cruz Gonzalez at kay Mari Loli Mazon si San Miguel Arkanghel ng ilang beses ngunit ito ay tahimik lang. Hanggang sa siya ay nagsalita noong Hulyo 1, 1961. Sinabi niya na magpapakita sa kanila ang Mahal na Birheng Maria bilang “Our Lady of Mt. Carmel”. Noong Hulyo 2, 1961, ay nagpakita sa kanila ang Mahal na Birhen kasama si San Miguel
Arkanghel at isa pang anghel. Nagbigay ito ng mga mensahe at nagkaroon din ng mga himala tulad ng pagbigay ng Banal na Komunyon sa mga bata kung saan hindi nakikita ng ibang tao si San Miguel Arkanghel maliban sa mga bata, at bigla na lang nagkaroon ng Sagradong Hostia sa kanilang mga dila.
Ang mahal na Birhen ay nagbigay din ng mga mensahe at propesiya patungkol sa magaganap sa hinaharap.
May darating na malaking kapighatian sa panahon na ang Simbahan ay nasa punto ng kapahamakan. Dadaan ito sa matinding pagsubok, at ito ang Komunismo.
At ang Russia, sa biglang hindi inaasahan ay sasakupin ang isang malaking bahagi ng malayang mundo. Ang tinutukoy dito ay ang pagkalat ng komunismo na pinamumunuan ng Russia.
Ito ay uusigin ang Simbahan, ang mga pari ay kailangan magtago at ang mga mananampalataya ay mahihirapan magsimba ng malaya.
Karagdagan tungkol sa Russia, ang Santo Papa ay pupunta sa Moscow Russia. At sa pagbalik nito sa Vatican ay sisiklab ang digmaan sa iba’t ibang bahagi ng Europa.
Wala pang Santo Papa ang pumunta sa Russia. Ngunit si Pope Francis ay nagnanais na pumunta dito.
Sinabi ng Mahal na Birhen kay Conchita na ang Diyos ay magpapadala ng isang malaking supernatural na babala. Ito ay tinatawag na “Illumination of all Consciences”
Isang malaking himala sa Garabandal ang magaganap upang ang lahat ay maniwala sa aparisyon at maging masunirin sa mensahe.
Ang malaking himala na ito ay mangyayari isang taon pagkatapos ng “babala”, magaganap ito sa pista ng Santo na may debosyon sa Eukaristiya sa oras ng alas otso y medya ng gabi at magtatagal ito ng labing limang minuto.
Ang sino man pupunta sa lugar ng aparisyon sa Garabandal ay gagaling sa mga sakit.
Sa araw ng milagro ay magkakaroon din ng permanenteng tanda sa puno ng pinagpakitaan ng Mahal na Ina.
Ito ay malinaw na makikita sa buong mundo, ito ay makukuhanan ng litrato, mapapalabas sa telebisyon ngunit hindi ito mahahawakan. Ito ay isang bagay na hindi sa mundong ito kundi sa Diyos.
Ang kaparusahan na ito ay mas nakakatakot na kailanman ay hindi natin maiisip. Ang mga Katoliko ay dapat magkumpisal at magsisi bago ito mangyari. Ang kaparusahan ay magaganap pagkatapos ng himala.
Sa panahong ito ay walang motoro makina ang gagana. At isangmatinding init ang tatama sa lupa at ang mga tao ay makakaranas ng matinding uhaw.
Noong Hunyo 3, 1963, nang mabalitaan ang pagkamatay ni Pope John XXIII. Muling narinig ni Conchita ang tinig ng Mahal na Ina at sinabi:
“Pagkatapos ng Papa na ito, magkakaroon lamang ng tatlo, at pagkatapos nito ay ang katapusan ng mga panahon.”
Dagdag pa niya:
“Magkakaroon ng isa pa, ngunit pamamahalaan niya ang Simbahan sa napakaikling panahon.”
Bago pa magkapakita ang Mahal na Birhen kay Sr. Agnes Sasagawa ay nakakakita na siya ng mga bisyon at pangitain hanggang sa nagkaroon siya ng stigmata sa kanyang kaliwang palad na may hugis krus. Noong July 6, 1973, nagpakita sa kanya ang kanyang Anghel dela Guwardiya at sinabi na wag lang manalangin sa sariling kasalanan kundi pati din sa iba. At ang sugat daw ng Mahal na Ina ay mas malalim pa sa kanyang sugat. Pagkatapos niyang Manalangin sa harap ng Tabernakulo ay lumapit siya sa Imahe ng Mahal na Birhen na yari sa kahoy. Dito ay narinig niyang ang isang malambing na tinig ng isang babae, ang tinig ng Mahal na Birheng Maria. Ito ay nagbigay ng mensahe at ang imahe ay nagkaroon ng hugis krus na sugat na nagdurugo sa kanang palad nito.
Noong January 4, 1975, Ang imahe ay nagsimulang lumuha at ito ay lumuha ng 101 beses sa loob ng anim na taon at walong buwan. Ang Mahal na Birhen Maria ay nagbigay din ng mensahe at propesiya kay Sister Agnes.
Noong October 13, 1973, sa ika-56 na anibersaryo ng huling pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima, ay nagbigay ng mabigat na mensahe. Kung ang mga tao ay hindi magbabago at hindi magiging mabuti, ang Diyos Ama ay magpapataw ng isang kakilakilabot na parusa sa lahat ng sangkatauhan. Ang parusang ito ay mas malaki kaysa sa delubyo na hindi pa nakikita noon. Ang apoy ay babagsak mula sa langit at lilipunin ang malaking bahagi ng sangkatauhan at hindi palalampasin ang kahit sinuman. Ang mga nakaligtas ay maiingit sa mga patay. Dapat tayo ay magdasal ng Santo Rosaryo araw-araw at ipanalangin ang Santo Papa, Obispo at mga Kaparian.
Ang gawain ng Diyablo ay papasok maski sa Simbahan sa paraang makikita na ang Mga Kardinal ay sasalungat sa kapwa Kardinal, mga obispo laban sa kapwa obispo. Ang mga Paring nagbibigay pugay sa Mahal na Ina ay hahamakin at tututulan ng kanilang mga kasama. Ang mga simbahan at mga altar ay sisibakin. Ang Simbahan ay mapupuno ng mga taong tumatanggap ng mga kompromiso at pipilitin ng demonyo ang maraming pari ang mga konsagradong kaluluwa na umalis sa paglilingkod sa Panginoon.
Ang mensahe na ito ay ang tunay na ikatlong sikreto ng Fatima. Ito ay pinatotoo ni Cardinal Ratzinger o mas Kilala natin bilang Pope Benedict XVI, nang sinabi niya na ang mensahe ng Fatima at ng Akita ay parehas.
Sa araw ng huling pagluha ng imahen, ang Anghel dela Guwardiya ni Sr. Agnes ay nagpakita at ipinaliwanag kung ano ang kahulugan ng pagluha ng imahen ng 101. Ang unang Uno ay nangangahulugan na ang kasalanan ay dumating sa mundo sa pamamagitan ng babae. Ang Zero sa pagitan ng dalawang Uno ay nangangahulugan ng walang hanggang Diyos. At ang huling Uno ay nangangahulugan na ang kaligtasan ay dumating sa mundo sa pamamagitan ng babae.
1 – Inang Eba
0 – Ang Diyos
1 – Mahal na Birheng Maria.