LEKSYUNARYO ISPIRITWAL

Propesiya sa Pagliwanag ng Konsensya at Tatlong Araw ng Kadiliman

ni TOM FIDELIS
Nakatala mula sa ilan sa mga aparisyon at Mensahe ng Mahal na Birheng Maria ang tungkol sa kaparusahan mula sa langit sa pamamagitan ng kahindik-hindik na tatlong araw ng kadiliman. Ang mga rebelasyon at propesiya na ibabahagi dito ay mula sa mga pagpapakita ng Mahal na Birhen kay Conchita Gonzalez at sa tatlo pang bata sa Garabandal Spain noong gitnang bahagi ng ika-dalawampung siglo, gayun din kay Marie-Julie Jahenny ng France noong huling bahagi ng ika-labing-siyam na siglo.

Ang pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria sa Garabandal sa kasalukuyan ay wala pang pormal na pag-endorso ng simbahan, subalit hindi rin pinagbabawalan ng simbahan ang mga mananampalataya na tangapin ang mga mensahe mula dito. Ito ay dahil sa katotohanan na ang mga mensahe at propesiya ng Birheng Maria sa kanyang mga pagpapa-kita ay naka-hanay at tugma sa mga aral at turo ng simbahan. Kasama pa nito, ay ang mga matibay na dahilan para ito paniwalaan, base na din sa mga ebidensya ng mga milagro, salaysay ng mga saksi, at testimonya ng mga bisyonaryo. 

Babala, Himala, at Parusa. 

Ito ang mga kaganapan at pangya-yari sa hinaharap kung hindi tatalima ang sangkatauhan sa Diyos. Ang mga ito ay ipinahayag ng ating Mahal na Ina kay Conchita sa Pine Hills sa Grabandal Spain. 

Winika ni Conchita, sa pagdating ng araw na kanyang ipapahayag ang babala ay bibilang na lamang ng walong araw at masasaksihan natin ang isang malaking palatandaan at himala. Ang himalang ito ay ang Pagliwanag ng Konsensya (Illumination of Conscience). Ito ang hinihintay na Babala o “el Aviso” sa wikang espanyol. Sa pagkakataong ito, masisilayan natin ang sariling kaluluwa kung paano ito nasisilayan ng diyos. Ang kasalukuyang estado o kalagayan ng ating kaluluwa, ang mga kasalanang ating ginawa, ang mga bagay na dapat nating ginawa ngunit pinag-paliban. Isina-larawan din, na sa pagkakataong ito ay pipigilan ng diyos ang anumang impluwensya ng diyablo sa ating kaisipan at damdamin. Sa ganitong paraan,  ating masisilayan ang ating kaluluwa ng walang malisya at pag-aalinlangan.  Ang kababalaghan na ito ay tatagal lamang ng labing-limang minuto. Dahil dito, ang kumpisalan ay magkakaroon ng napaka-habang pila na halos walang katapusan. Ang mga pari ay halos hindi na makaka-kain para lamang maka-ganap. Ito ay mararanasan at masasaksihan ng buong sangtinakpan, mananampalataya man, mga iskeptiko, o mga hindi naniniwala sa Diyos. 

Lilipas ang isang taon matapos ang Illumination of Conscience at dadatal ang pambihirang Himala. Ito ay magaganap sa araw ng Huwebes sa Pine Hills sa Garabandal Spain. Magi-iwan ito ng isang permanente at supernatural na palatandaan. Ito ay matutunghayan ng buong sangtinakpan. Maging si Conchita ay walang hinagap kung anu ang kalikasan ng himala, subalit kanyang ipinahayag na ito ay supernatural. Makikita ng lahat, masa-saksihan at maaring makunan ng litrato. Maari ring maipa-labas sa telebisyon upang matunghayan ng buong mundo, subalit ito ay hindi mahahawakan. Lahat ng magtutungo sa Garabandal na may kahit anumang karamdaman ay gagaling. Ang mga hindi mananampalataya ay tatalima sa Diyos. 

Bago pa dumating ang kinatatakutan na tatlong araw, ipinahayag ni Marie-Julie Jehanny na magkakaroon ng mga paunang tanda. Magsisimula ito sa apat na oras ng kadiliman, ito ay hindi babalot sa buong France ngunit susubukin lamang ang ilang parte ng Brittany. Matapos ang pag-dilim ng araw sa pagkakataong ito, lilipas lamang ang tatlumpu at pitong araw ay magaganap na ang tunay na kadiliman. 

Sa pagitan nito, bago pa ang nakakasindak na tatlong araw na kadiliman, ay magaganap muna ang isa pang paunang tanda, ito ay ang pagkaka-roon ng dalawang araw na kadiliman. Magkukulay dugo ang kalangitan, at ang mga puno at pananim ay matutupok ng apoy kasama ng mga bunga nito. Kakailanganin ang kandilang gawa sa pagkit (bees’ wax) para magliwanag ang dilim ng gabi. 

Matapos nito, Iba-baba ng kalangitan ang kaparusahan, ang Tatlong Araw ng tuloy-tuloy na Kadiliman. Ito ang ipinahayag ni Marie-Julie Jahenny noong 1891. Ang kandilang gawa sa pagkit (bees’ wax) lamang ang magdudutlot ng liwanag sa panahon ng kakila-kilabot na kadiliman. Ang isang kandila ay sapat na para sa tatlong araw, subalit sa bahay ng mga masasama, hindi ito iilaw. 

Sa pagdating ng kahindik-hindik na Tatlong Araw ng Kadiliman, ang mga diyablo ay magsisi-ahon mula sa kaila-liman ng impyerno at magpapa-kita sa kanilang mga nakakarimarim at kasuklam-suklam na anyo para puksain ang lahat ng nasa lupa. Lubha ang kadiliman, ang kalangitan ay mapupuno ng ulap na kulay dugo na sasaklob sa buong sangtinakpan. Labis na mararamdaman ang mga malalakas ng pag-yanig sa lupa. Lahat ay maya-yanig maliban lamang sa altar kung saan nandoon ang benditadong kandila na gawa mula sa pagkit (bees’ wax), ang mga benditadong imahen, at banal na tubig. Sa mga bahay na mayroon nito, walang kagutuman ang mararanasan, ang mga hayup ay maiibsan ang kagutuman kahit pa walang pagkain. Walang bintana ang marapat na buksan. 

Mag-uumapaw ang dagat, ang malalakas na alon ay pupuksa at lalaganap sa lahat ng mga kontinento. Mag-aapoy ang kalangitan at mahahati ang lupa upang lamunin ang mga masasama. Ang santinakpan ay magiging isang malawak na sementeryo. Ang mga bangkay ng masasama at mabubuti ay magka-kalat sa langsangan. Wakang sinumang nasa labas na walang silungan ang makaliligtas. Magkakaroon ng malawakang tag-gutom. Lalaganap ang mga nakamamatay na karamdaman. Magkakaroon ng malawakang tag-gutom. Tatlo sa apat na bahagi ng sangkatauhan ay mapupuksa, ito ay parusa para sa buong sangkatauhan. Ang lahat ng ito ay magaganap sa araw ng Huwebes, Biyernes, at Sabado. 

Sa huli, ang kabuluhan ng mga ipinahayag sa atin ng Ating Mahal na Ina, sa pamamagitan ng apat na bata sa Grabandal, at ng isang mystic sa France ay malinaw, ito ay pagtutuwid. Ang pagkakataon na ibinibigay sa atin ng Mahal na Panginoon, ang tunay na pag-talima sa Kanya, ay ang mahalagang kundisyon na dapat nating maunawaan at maisakatuparan upang mapag-paliban ang pagbaba ng mga parusa na magmumula sa langit. Subalit, kung tayo ay magpapatuloy sa ating pagka-tisod, sa pagkakataon na umiral parin sa atin ang pagtataksil at manatili parin sa ating mga gawaing imbi ay mapipilitang ibaba ng langit ang naka-ambang parusa. 

Ang himala ng Illumination of Conscience ay isang anyo o uri ng grasya mula sa ama, na kahit pa sa kahuli-hulihan ay igagawad Nya pa din ang biyaya ng pagbabalik-loob sa pamamagitan nito. Lahat ay mabibigyan ng pagkakataon na tumalima sa Kanya, mula sa mga mananampalataya, kasama ang lahat pati na ang mga hindi sumasamba, naniniwala, at umiibig sa Ama. Subalit magpatuloy na maging mapagmasid, at huwag tumigil sa walang humpay na pagda-dasal, sapagkat ang himalang ito, kahit gaano pa ka-pambihira ay susubukin at yuyurakan parin ng mga iskeptiko lalo na sa kampo ng mga radikal at sekularistang nasa disiplina ng agham. Kung ito man ay matupad, pilit parin itong ipaliliwanag bilang isang natural na kaganapan lamang sa anyo ng isang massive solar storm na nagdulot ng malawakang mass-hysteria sa buong mundo. Dahil dito marami parin ang malilinlang, ang huling pagkakataon upang mag-balik loob na ibinigay sa atin ay babaliwalain parin ng marami, at pipiliin pang tuluyang mabulid sa kasamaan.

The Sanhedrin was the forum for the pharisees, who believed in the resurrection and in angels, and the saducees, who are akin to new theories and philosophies. All beliefs and philosophies concerning God and His creation are allowed to be expressed here.
Copyright © 2021-2023. The Sanhedrin. All rights reserved. Powered by STUDIO EL CID and Ron Mendoza Media