Simula noon hanggang ngayon ang mga tagasunod ni Kristo Hesus ay naghihintay na sa Kanyang muling pagbabalik. Kaya nga sa Sumasampalataya o Kredo ng mga Apostol nasasaad sa artikulo na ibinahagi ni San Mateo na…
“Doon magmumula paririto’t huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.” (Kredo)
Ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo ay magaganap pagkatapos ng mga digmaan, ginintuang panahon ng Simbahan, ang pagdating ng Great Monarch at Angelic Pope, at paghahari ng Antikristo.
Ayon kay Saint Columbkille: “Pitong taon bago ang huling araw, ilulubog sadagat ang Ireland ng isang baha”. Ganito din ang winika ni Saint Nennius na “Darating ang dagat sa Ireland pitong taon bago ang Araw ng Paghuhukom.”
Ang muling pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe:
Nagkakasiyahan ang lahat hanggang sa dumating ang baha at namatay silang lahat gayundin sa panahon ni Lot ang umalis siya sa Sodoma, umulan ng apoy at Asupre ay natupok silang lahat. (Lucas 17:26-30)
Ayon kay San Mateo mangagpuyat kayo sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang iyong Panginoon.
“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagkat paririto ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” (Mateo 24: 42-44)
Sapagkat alam na ninyo na ang pagdating ng araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. (Tesalonica 5: 2-3)
Sinabi ni Hesus:
Ako nga, at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihan, at pumaparito na nasa mga alapaap ng langit. (Marcos 14:62)
Susuguin Niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa wakas ng lupa hanggang sa dulo ng langit. (Marcos 13:26-27).
Sa pagparito ng Anak ng Tao upang maghukom, Siya ay nasa Kanyang kaluwalhatian at kasama Niya sa langit ng mga anghel at Kanyang titipunin sa harap Niya ang lahat ng mga bansa, at sila’y pagbubukdin bukdin gaya ng pagbubukod-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing, at ilalagay Niya ang mga tupa sa Kaniyang kanan, datapwat sa kaliwa ang mga kambing. (Mateo 25: 31-34)
Mamanahin natin ang Kaharian ng Panginoong Diyos kung tayo ay tumulong sa ating kapwa. Sa pamamagitan ng pitong kawang-gawang korporal. (Mateo 25: 35-39) “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa Akin ninyo ginawa. (Mateo 25: 40) Sa mga hindi tumulong sa kanilang kapwa sa pamamagitan ng pitong gawang korporal sila ay parurusahan sapagkat ayon sa Panginoon
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa Akin. (Mateo 25: 45)
Sa panahon ng Paghuhukom tayong lahat ay tatayo sa harapan ng Hukuman ng Diyos. (Mga Taga-Roma 14: 10). Ang lahat ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga Aklat ng Buhay, (Pahayag 20: 11-15) Mabubuhay ang mga nangamatay.
“At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba’y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak. (Daniel 12-2)
Ang mga nasa libingan ay makaririnig ng boses ng Panginoon at magsisilabas sila at ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay, at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol. (Juan 5: 28-29). Unang mangabubuhay na maguli ang mga nangamatay kay Kristo, at ang mga nangabubuhay, na nangatira, ay kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man. (1 Tesalonica 4: 15-17)
Sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesus, kasama na Niya ang Kanyang mga binanal ang mga santo kabilang ang labindalawang apostoles upang magsihukom sa labindalawang angkan ng Israel kasama ang mga anghel upang ihiwalay ang masasama sa matutuwid. Ang matutuwid ay papapasukin sa kaharian ng Diyos at ang masasama ay igagatong sa kalan ng apoy; Diyan na nga ang pagtatangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. (Mateo 13: 49-51)
Pagkatapos ng paghuhukom magkakaroon ng isang bagong langit at isang bagong lupa.
Ayon kay San Juan Apostol:
“At nakita ko ang bayang banal, ang Bagong Herusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kanyang asawa. (Pahayag 21: 1-4.)
Dapat tayong maghanda sa pagbabalik ni Kristo Hesus nang sa gayon tayo ay makapiling Niya sa Bagong Jerusalem, inihanda na Niya ang mga silid sa Bayan ni Ama para sa atin. Ang Mahal na Birhen Maria ay laging nagpapaalala sa atin na malapit na ang panahon kung kaya’t kailangan ng magsisi at magtika.
Bilang paghahanda sa pagdating muli ng Panginoong Hesus, ipinapaalala ng mga apostoles sa mga alagad ni Kristo na hindi dapat hayaang ang kasalanan ang magdikta sa kanilang buhay, bagkus alalahanin palagi ang kahalagahan ng disiplina sa katawan upang mabigyang karangalan ang Panginoong Diyos. Mahalaga ang pananalangin pag-aayuno upang mapatatag ang kaluluwa at katawan laban sa mga tukso at pita ng laman. Ang pagganap sa Santa Misa at pagtanggap ng mga sakramento, pagdarasal ng rosaryo, pagtulong sa kapwa ay parte ng paghahanda sa pagdating ng Panginoon Hesus. Huwag sana nating isangtabi o ipagwalang bahala ang mga paalala ng Mahal na Birhen magula sa Kanyang mga aparisyon. Sa La Salette, Fatima, Garabandal at Akita. Dapat nating ipagpatuloy ang pagtanggap ng mga sakramento at pagsasanto rosaryo at hilingin sa Panginoong Diyos na tayo ay iligtas sa Araw ng Paghuhukom.