“Sino ang sinungaling? Siya na tumatangging si Jesus ang Mesiyas. Ang tumatanggi sa Ama at sa Anak, siya ay anticristo.” (1 Juan 2:22) Kailangan nating maunawaan na maraming tinatawag na anticristo sa kasaysayan, mayroon ngayon at mayrroon din sa hinaharap. Ngunit mayroong pagkakaiba anti-Kristo at Ang Antikristo.
Ang sinumang indibidwal, organisasyon, sistema ng paniniwala o komunidad na tumatanggi sa Banal na Persona ni Kristo bilang Messiah ay anti-Kristo. Ang mga nagsasagawa ng mga kalupitan sa sangkatauhan ay mga anti-Kristo din dahil sinabi ni Hesus na Siya ay Buhay at ang mga anti-Kristo ay ayaw sa Buhay. Ang mga personalidad tulad nina Nero, Bonaparte, Hitler, Stalin, Pol Pot, atbp. ay mga simpleng anti-Christ (maliit na titik A). Maaaring isama din natin dito ang Islam at iba pang relihiyon na di kumikilala sa pagka-Diyos ni Kristo.
Pero ang isang taong naniniwala sa Diyos ngunit naniniwala siya na mas mahusay pa sa Diyos ay isang Anti-Christ (kapital A) dahil siya ay may kapalaluan na taglay ng diyablo. Ang Antikristo ay naniniwala sa Diyos ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso mas pipiliin niya ang kanyang sarili. Ang paksa natin ay tungkol sa isang tukoy na Antikristo, ang darating sa hinaharap at maghahari sa mundo sa huling panahon bago muling bumalik ang Panginoong Hesukristo sa mundo. Tinukoy siya ni Jesus bilang Kasuklam-suklam na Lagim (abomination of desolation). Tinukoy siya ni San Pablo bilang “Lalaki ng Kasalanan” (man of sin) at “Anak ng Kapahamakan” (son of perdition). Tinawag siya ni san Juan na “Antikristo” at “Halimaw ng Dagat”.
Sa lihim na pahayag ng La Salette, winika doon ng Mahal na Birhen:
Maraming kumbento ay hindi na mga tahanan ng Diyos, bagkus ay pastulan ni Asmodeus at ng kanyang kaanak… Sa panahong ito ipapanganak ang Antikristo ng isang madre na Hebreo, isang huwad na birhen na makikipag-isa sa matandang ahas, ang panginoon ng karumihan; ang kanyang ama ay isang obispo. Habang siya ay ipinapanganak, siya ay susuka ng mga kalapastanganan; magkakaroon siya ng mga ngipin; sa madaling salita, siya ay diyablo na nagkatawang-tao… Siya ay gagawa ng nakakatakot na hiyaw; gagawa siya ng mga kababalaghan; papakainin niya ang kanyang sarili ng karumihan. Magkakaroon siya ng mga kapatid na, bagaman hindi sila magiging katulad niya, na mga demonyong nagkatawang-tao, sila ay magiging mga anak ng kasamaan. Sa kanilang ika-12 taong gulang, sila ay mapapansin sa kanilang magigiting na tagumpay. Di maglalaon, sila ay magiging pinuno ng hukbo, na tinutulungan ng hukbo ng Impiyerno.”
Ang Antikristo ay isang tao na sinapian ng Diablo mula ng ipaglihi, kung gayon siya ay walang konsensya at anghel dela guardia ayon kay St. Jerome. Isisilang siya sa panahon na ang mundo ay puno ng kasamaan at may malaking pagtalikod sa pananampalataya. Ang Antikristo ay magkakaroon ng mga kapangyarihan ng diyablo mula pa sa simula. Siya magiging napakasama at mamanahin niya ang kasamaan ng ugali ng kanyang ina, na magtuturo din sa kanya sa kasamaan. Siya ay magiging isang mahusay na tagapagsalita, matalino, nakakapagsalita ng mga wika, at isang child wonder sa edad na anim o pito. Siya ang isang mayaman at maimpluwensyang mangangaral at pulitiko. Karismatiko din siya at gagamitin nya ito upang linlangin ang mga Hudyo. Siya ay kikilalanin na tagapagtaguyod ng Kapayapaan dahil hihikayatin niya ang mga hudyo na magkaroon ng Peace Treaty sa mga kaaway nito. Magkakaroon ng isang huwad na kapayapaan sa panahon ng kanyang rehimen.
Ang Antikristo ang maliit na sungay sa pangitain ni Propetang Daniel:
“Pagkaraan, nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito’y may sampung sungay. Pinagmasdan kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan” – Daniel 7:7-8.
Ang Antikristo ang Halimaw ng Dagat sa pangitain ni San Juan:
“Pagkatapos ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang[a] lumalapastangan sa Diyos. Ang halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito’y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito’y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?” – Pahayag 13:1-4
Ang sampung sungay ng halimaw ay kumakatawan sa sampung kaharian na naging resulta sa pagkakahati ng Imperio Romano sa Kanluran noong ika-500 dantaon.
Ayon sa kasaysayan, ang tatlong kaharian na “binunot” ay mga kahariang naniniwala sa heresiyang Arianismo. Si Emperor Justinian ang nagwasak sa mga Vandals at mga Ostrogoth, habang si Emperor Zeno ang nagwasak sa mga Herulis. Sa tatlong kahariang “binunot” magmumula ang Antikristo.
Ang Imperyo Romano ay muling aahon na bubuuin ng sampung kaharian (nasyon). Dahil siya ay kikilalanin din ng mga Muslim kahit siya ay may lahing isang Hudyo, may ilang nag-aaral ng mga propesiya na sinasabi na ang Antikristo ay magmumula sa isang Arabong bansa. Tinutukoy naman ng ilan ang bansang Turkey bilang bansa na pagmumulan niya. Ayon kay Anne Catherine Emmerich, ang Antikristo ay magtatagumpay sa Mageddo sa Palestine, at siya ay susundin ng pitong pinuno dahil sa takot, at siya ay magiging panginoon ng mundo.
Sa mga propesiya ng mga Banal, magkakaroon muna ng panahon ng kapayapaan pagkatapos ng mga malalaking rebolusyon at digmaan. Ang Mabuting Balita ay maipapahayag sa lahat ng panig ng mundo at marami ang magbabalik-loob. Ang propesiya ng Mahal na Birhen sa Fatima na “Sa wakas, ang aking Kalinis-linisang Puso ay magtatagumpay” ay matutupad. Ngunit ayon sa Our Lady of La Salette ang sangkatauhan ay babalik sa kasamaan:
“Magbabago ang mga panahon. Ang lupa ay magbubunga lamang ng masamang bunga; ang mga bituin ay mawawala ang kanilang mga regular na paggalaw; ang buwan ay magpapakita lamang ng isang mahinang mapula-pula na liwanag; ang tubig at apoy ay magbibigay sa lupa ng nanginginig na paggalaw, at kakila-kilabot na lindol na lalamunin ang mga bundok at mga lungsod.”
Kapag nalalapit na ang paghahari ng Antikristo, lilitaw ang isang huwad na relihiyon na itatanggi ang kaisahan ng Diyos at tataliwas sa Simbahan. Ang mga kamaliang turo ay magdudulot ng labis na pinsala.
Ayon kay Venerable Bartholomew Holzhauser, darating ang Antikristo bilang Mesiyas mula sa isang lupain sa pagitan ng dalawang dagat sa Silangan. Siya ay magsisimulang magtrabaho sa Silangan, bilang isang kawal at mangangaral ng relihiyon sa gulang na tatlumpu. Ang Antikristo at ang kanyang hukbo ay sasakupin ang Roma, papatayin ang Papa at luluklok sa trono. Ibabalik niya ang rehimeng Turko na winasak ng Dakilang Monarkong Pranses. Ang Templo ng Jerusalem ay muling itatayo, at dito luluklok ng Antikristo ang sarili sa loob nito bilang Diyos, Mesiyas, at Hari ng mga Hari. Kasama ng mga Mason, ang mga Hudyo ang unang tatanggap sa Antikristo bilang Mesiyas. Ang mga Muslim ay kikilalalin siyang Mahdi, ang mga Budista ay tatanggapin siyang Maitreya. Ayon kay San Vicente Ferrer, kapag dumating panahon na ito, ang lahat ng hindi nakumpilan ay tatalikod sa katotohanan, habang ang mga nakumpilan ay tatayo sa Pananampalataya, at iilan lamang ang tatalikdan si Kristo. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, panlilinlang at malisya, dalawa-ikatlong bahagi ng sangkatauhan ang kanyang maaakit o sapilitan siyang sambahin.
Ipagbabawal nya ang lahat ng relihiyon, bagkus siya ay magtatatag ng isang relihiyon (na kung saan siya ang diyos) at ng isang gobyerno na kokontrol ng sangkatauhan. Ipagbabawal at ipapasira ang lahat ng uri ng imahen (kahit mga paganong imahe). Siya ay sasambahin ng karamihan sa mundo. Magtuturo siya ng taliwas na Kristiyano, kukumpiskahin nya ang mga ari-arian ng Simbahan, Sabado ang gagawing araw ng pagsamba sa halip na Linggo, at babaguhin niya ang sampung utos. Siya ay gagawa ng mga himala at sa sobrang dami, hindi kakayahing maisusulat sa isang libro. Ang mga ito ay magiging mas kahanga-hanga kaysa Luma at Bagong Tipan. Mababasa niya ang isipan ng mga tao, bubuhayin ang mga patay, gagantimpalaan ang mga tagasunod at parusahan ang iba. Ang lahat na may tatak ng Antikristo ay sasapian ng demonyo. Magkakaroon ng walang habas na persekusyon para sa mga taong hindi tumanggap ng marka.
Sa panahon ng malaking pagtalikod sa pananampalataya, ang dalawang saksi, sina Enoch at Elias, na puspos ng Espiritu ng Diyos, ay babalik at mangangaral taglay ang lakas ng Diyos. Ang mga hentil at hudyo ay magbabalik-loob sa tunay na pananampalataya.
Ilalantad nina Enoch at Elias ang panlilinlang ng Antikristo sa mga tao. Dahil dito, Ipapapatay ng Antikristo ang dalawang saksi at iiwan ang bangkay nila sa lansangan sa loob ng tatlo at kalahating araw. Ngunit biglang gagalaw ang dalawang propeta, babangon at titingin sa madla at magsisimulang magpuri sa Diyos. Isang malakas na lindol na tulad sa pagkabuhay ni Kristo ang magaganap: Ang Jerusalem ay bahagyang mawawasak at libu-libo ang mamamatay. Isang tinig mula sa Langit ay madidinig, ‘Umakyat! kung saan ang mga propeta ay aakyat sa Langit, na magreresulta sa pagbabalik-loob ng marami. Maghahari ang Antikristo ng tatlumpung araw pagkatapos nilang umakyat sa langit.”
Ang Antikristo ay lilipad, tulad ng pag-akyat sa langit ni Kristo mula sa Bundok ng Olivo. Sasabihin niya sa madla na hahabulin niya sina Enoch at Elias upang patayin silang muli. Ngunit siya ay tuwirang papatayin ng Panginoong Hesus (maaaring sa pamamagitan ng San Miguel), tatamaan siya ng kidlat sa kanyang paglipad, at siya ay ibubulid sa impyerno.
Maghahari ang Antikristo sa loob ng 1,290 na araw (3.5 taon) pagkatapos niyang ipagbawal ang Banal na Sakripisyo. Siya ay mabubuhay ng limampu’t lima at kalahating taon o 666 na buwan ayon kay Venerable Bartholomew Holzhauser.